Thursday, May 26, 2011

Carambola Getaway (elephant island)



Last stop ng aming getaway naming magpipinsan pag katapos ng island hopping sa El Nido ay ang overnight camping sa isang island sa bayan kong Taytay. Ang Elephant Island na kung saan kilala na pinagkukuhaan ng gwano (fertilizer, bat stool), nido nest, at ang nakakamanghang lagoon sa loob ng isla. Minsan na din nai-feature ang pagkuha ng nido sa Kapuso Mo Jessica Soho.

Hapon na nang makarating kami sa isla. May ilang grupo din ng bakasyunista ang naliligo sa beach. Agad naming tinungo ang lagoon dahil kailangang may araw pa para makita ang loob ng lagoon.


Lagoon: Saktong lowtide ang dagat kaya hindi kami nahirapan baybayin ang gilid ng malalaking bato at pumasok sa malakwebang bato ng isla. Bukod pa dyan, kailangan pa din akyatin ang malalaking bato dahil nasa bandang itaas ng isla ang lagoon. Sa tantya ko mga 15-20 ft ang taas ng aakyating bato at sa kabila noon ay ang natatagong lagoon. Hindi ko maalala kung fresh or salt water ang lagoon dahil sa mataas ito sa sea level at malamang na ang mga ito ay naipong tubig ulan pero may nakita akong jelly doon mismo sa loob. May lalim ito na mahigit..uhmm di ko alam basta di ko kayang sisirin. Madilim ang ibang parte dahil hindi na naabot ng sinag ng araw at natatakpan na ng mataas na bato.

Mag gagabi nag umpisa kami maghagilap ng panggatong at dahil isla ito at puro bato maswerte na kung may napadpad na panggatong. Luto ng pagkain, bon fire at inuman. At dahil sa kaunti lang ang panggatong maliit lang ang apoy at bago pa maubos ay nagsipagtulugan na kami. 11 na rin kasi ng gabi. Isa lang ang tent namin kaya sa labas kami natulog. Malamig ang hangin. Nakakatakot baka hilahin kami ng syokoy.

Maaga kinabukasan, kailangan naming magligpit kaagad dahil sa tumataas na ang tubig. Nakakatawa nga dahil habang nagliligpit kami unti unti nang kinakain ng dagat ang lugar namin. Saklolo! Ganitong oras kasi dapat kami susunduin ng bangka. Mahuli lang ng 30 minuto ang sundo nami, lulubog kami ng hanggang baywang. Awkward naman na makita kami ng mga taong dumadaan sakay ng bangka nila na lahat kami ay may sunong sunong na gamit sa ulo habang nalubog sa dagat, haha. Buti na lang hindi naman nagyari dahil dumating ang bangka on time. And then time to go home, balik na sa main land.

- Elephant Island, Taytay Palawan

Monday, January 10, 2011

Byaheng Palawan: Liminangcong


Naalala ko pa noong unang tuntong ko sa Palawan. Wala pang maayos na daan. Maputik, madulas, matarik at lubak na daan at kung mamalasin pa ang sasakyan mo at nagkamali ng kabig ay bangin naman ang huhulugan mo. Marami na ang nadisgrasya at marami na rin ang nasawi.

15 years later. Maayos na ang daan na nagdudugtong mula syudad patungong bayan. Ngunit ang daan mula bayan patungong baryo ay hindi pa, tulad pa rin ng dati, maputik, madulas, matarik, lubak at bangin. Maliban sa malalaking jeep na halos kasing laki ng bus minsan may mga van naman na bumabyahe.




Byaheng Bgy. Liminangcong. 2 magkasunod na van ang nagbyahe. Kailangan 2 talaga dahil kung sakali mang mabaon sa putik o mahulog sa bangin may maghihilang sasakyan. Magaling naman yung driver namin dahil kahit malalim na lubak at putik at kahit na dumudulas pa yung sasakyan namin ay nagagawang nya maitawid ang sasakyan. Sadyang yung kabilang sasakyan lang ang laging nadidisgrasya.

Isa sa hindi maiiwasang pangyayare ay ang ma flat ang gulong. Ganoon talaga dahil kung titignan ang daan ay talagang marurugado ang mga gulong. Kay laging may baong reserba. Ilang beses kaming bumaba dahil sa na flat ang gulong at maghilahan ng sasakyan. Ganyan ang byaheng probinsya. Adventure! Sulit naman dahil masarap magpahinga sa pupuntahan namin.


Bgy Liminangcong. Isang malayong bgy sa bayan ng Taytay sa Palawan. Tahimik at simple lang ang pamumuhay. 1 elementary at 2 ang high school (private ang isa) samantalang nasa bayan naman ang college. Hindi 24 hrs ang kuryente at mahal ang isang case ng beer. Around 4,000 ang population at may sariling pier. Pangingisda ang pangunahing kabuhayan. Baklad at buhay buhay.


So far malinis at malinaw pa ang tubig dagat dito, kahit sa tabing pampang ka lang maligo ok na..malalim din naman eh. Di ko alam kung bawal maligo sa dagat doon tuwing gabi na, dahil noong naliligo ako kasama yung isa ko pang kapatid at ibang pinsan ay may mga narinig ako mula sa mga kabataan na “bakit sila naliligo dito”. Bawal kaya? Pero maya maya yung grupo din nila ang naki- join sa amin. Nahiya naman ako, parang hindi sila taga dito kung makatalon, sabik?


Pero bago pa ang paliligo ay nangawil muna kami sa loob ng baklad, haha, doon na kasi nakakulong yung inaalagaan nila mga isda para ibenta sa Manila. Para mabantayan ng mga tayo ang kani-kanilang baklad ay nagtatayo sila ng maliit na kubo doon mismo sa ibabaw.



Masarap kumain sa gitna ng dagat. Inihaw na isda, baboy at mga sariwang prutas. Sarap talaga magbakasyon sa mga kamag anak lalo na sa probinsya dahil talagang ipapalasap sayo ang simple ngunit di mo malilimutang experience. Dito time out muna sa modernong buhay, kaya naman masarap magrelax.

- Liminangcong, Taytay Palawan